Isa siyang bayani, ngunit kilala ba siya? Kilala ba siya sapagkat siya ay nakikita sa pera?
Si Dr. José Protasio Rizal Mercado y Alonzo Realonda[1] (Ika-19 ng Hunyo 1861–Ika-30 ng Disyembre 1896) ay ang pampito sa labing-isang anak ng mag-asawang Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at ng asawa nitong si Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Ipinanganak si José Rizal sa Calamba, Laguna. Sina Saturnina, Paciano, Narcissa, Olimpia, Lucia, Maria, Jose, Concepcion, Josefa, Trinidad at Soledad ang mga anak nina Francisco at Teodora.
Si Dr. Jose Rizal, pambansang bayani ng ating bansa. Source: http://tl.wikipedia.org/wiki/Jos%C3%A9_Rizal |
Ang kaniyang ina ang unang guro ng ating pambansang bayani. Ito ang nagturo sa kaniya ng alpabeto, kagandahang asal, at mga kuwento ("Minsan ay may Isang Gamo-gamo"). Samantala, ang kanyang pormal na edukasyon ay unang ibinigay ni Justiniano Aquino Cruz sa Biñan, Laguna. Pagkatapos noon, siya ay ipinadala sa Maynila upang mag-aral sa Ateneo de Manila University at doon ay tinamo ang Bachelor of Arts noong 1877 (siya ay 16 taong gulang) at nakasama sa siyam na estudyanteng nabigyan ng sobresaliente o namumukod-tanging marka.
Ipinagpatuloy ni Jose ang pag-aaral sa Ateneo upang maging dalubhasa sa pagsusukat ng lupa at pagiging asesor. Natapos siya sa kursong asesor noong 21 Marso 1877 at naipasa ang Lupong Pagsusulit para dito noong 21 Mayo 1878 subalit dahil siya ay 17 taong gulang pa lamang ay hindi siya pinahintulutang magtrabaho bilang asesor hanggang 30 Disyembre 1881. Noong 1878, pumasok siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang mag-aral ng medisina ngunit dito ay naranasan niya ang diskriminasyon mula sa mga paring Dominikano. Ipinasya niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng medisina at pilosopiya sa Universidad Central de Madrid sa Espanya ng sa kaalaman ng kaniyang mga magulang. Noong 21 Hunyo 1884, sa edad na 23, iginawad sa kanya ang Lisensiya sa Medisina at noong 19 Hunyo 1885, sa edad na 24, ay natapos din niya ang kurso sa Pilosopiya na may markang ekselente.